Blackbirdan online journal of literature and the artsFall 2015  Vol. 14 No. 2
poetryfictionnonfictiongalleryfeaturesbrowse
an online journal of literature and the arts
 print preview
 English
back LOUIE JON A. SANCHEZ

Kuwento ng Pag-Ibig

Marahang nilalakad ng Babae
Ang makipot na landas ng hardin;
Nakaabang sa dulo ang mahal
Na nagbabasa ng lumang nobela.
Palaging hinihiling ang kalinawan
Kaya’t itinatala ito ng sinumang
Magsasalaysay: mahabang-
Mahabang panahon ng isang digmaan
Ang pumagitan.
Babanggitin rin na bago nagkalayo,
Iniukit ng dalawa sa kampana
Ang kanilang mga pangalan—
Sumpaan ng tapat na tipanan.
Bibigyang diin na natapos ang giyera
At hindi na nakita ang Lalaki.
Ipinagpalagay nang siya’y nasawi
At ipinagpatugtog ng Rekiyem.
Ngunit mananaig ang kutob ng Babae.
Patuloy siyang maghahagilap.
Hinding-hindi siya mabibigo.
Ito ang una nilang pagkikita,
At maaaring umusbong ang pag-uusig:
Ano ang bukod-tangi sa sandali?
Sa pagpinid ng Lalaki sa aklat,
Sa pag-upo ng Bababe,
Alikabok naming aahon
Ang tagpo na magwawakas.  end  


return to top